Cotabato City, Nobyembre 21, 2024 – Nagsimula na ngayong araw, Nobyembre 21, 2024, ang Mobile Blood Donation ng Ministry of Health (MOH) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang kaganapan ay ginanap sa Old DOH Covered Court sa Cotabato City at layunin nitong makalikom ng mga yunit ng dugo upang matulungan ang mga pasyente sa rehiyon at mapunan ang kakulangan ng dugo sa mga ospital.
Ayon kay Nudin S. Amil, Regional Voluntary Blood Services Program Coordinator, bahagi ng kanilang hakbang ang mobile blood donation upang tugunan ang pangangailangan sa medikal na serbisyo sa rehiyon na direktiba ni Dr. Kadil M. Sinolinding, Jr., DPBO. “Ang ating pangunahing layunin ay magtulungan at magbigay ng buhay sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng mga donasyong dugo. Ang mga ganitong aktibidad ay napakahalaga upang matugunan ang mga emergency na pangangailangan sa ating mga ospital,” wika ni Amil.
Bukod sa layuning makalikom ng dugo, layon din ng kaganapan na mapataas ang kamalayan ng mga residente sa kahalagahan ng regular na pag-donate ng dugo. Ang mobile blood donation ay bukas para sa lahat ng mga boluntaryong donor mula sa Cotabato City at mga kalapit-lugar. Gayunpaman, ipinaalala ng mga organizer na may mga kwalipikasyon ang pagiging donor tulad ng tamang edad, timbang, at kalusugan.
Ang aktibidad ay magtatagal mula 8:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon. Inaasahan ng mga organizer na makalikom ng hindi bababa sa 100 yunit ng dugo sa araw ng kaganapan. Ang mga boluntaryong donor ay hinihikayat na makibahagi sa layuning magkaroon ng mas malusog na komunidad sa BARMM.
Makikipagtulungan din ang Ministry of Health ng BARMM sa Cotabato Regional Medical Center upang magbigay ng karagdagang suporta at pag-aalaga sa mga pasyente na nangangailangan ng dugo.
Patuloy na nagsasagawa ng mga proyekto ang Ministry of Health ng BARMM upang mapabuti ang kalusugan at serbisyong medikal sa buong rehiyon at masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga residente.