COTABATO CITY – Naglaan ang Ministry of Health (MOH) ng halos 820 milyong piso para sa Health Emergency Allowance (HEA) ng 1,894 healthcare workers sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang bawat kwalipikadong healthcare worker ay tatanggap ng kanilang 10 buwang allowance mula Oktobre-Disyembre ng 2021, at Enero-Hulyo sa taong 2023.
Ang nasabing allowance ay ayon sa Republic Act 11712 na nagbibigay ng allowance at benepisyo sa mga healthcare worker para sa kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Health Minister Dr. Kadil M. Sinolinding Jr., kinikilala ng Ministry of Health ang hindi matatawarang dedikasyon ng ating mga healthcare workers. Ang allowance na ito ay isang maliit na paraan ng pamahalaan upang magpasalamat at magbigay suporta sa kanilang sakripisyo sa gitna ng bawat hamon sa kalusugan ng komunidad.
Dagdag pa niya, ang mga healthcare workers ay mga tunay na bayani na nagsilbi bilang frontliners sa panahon ng pandemya. Ang kanilang pagsisikap ay naging susi sa pagsugpo sa pagkalat ng COVID-19.
Ang HEA ay inaasahang magbibigay ng kaunting ginhawa sa mga healthcare workers at kanilang mga pamilya. Ito rin ay isang paalala sa lahat ng mga mamamayan ng BARMM na pahalagahan ang mga serbisyong ibinibigay ng mga healthcare workers.